MANILA, Philippines — Dalawang sasakyang-pandagat ang nagbanggaan sa may Port of Amlan sa Negros Oriental habang nag mamaniobra ang isa sa mga ito kahapon ng umaga.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at matapos na makaabot sa kanilang impormasyon ang banggaan ng LCT Bato Twin I at MT Petro Helen.
Sa isinagawang imbestigasyon, na pag-alaman na nagmamaniobra ang LCT Bato Twin I na may kargang mga cargo nang mabangga nito ang nakaangkla na MT Petro Helen. Nakaapekto umano sa pagmamaniobra ng LCT Bato Twin I ang malakas na hangin at alon ng dagat.
Napinsala sa insidente ang “port side railings” ng LCT Bato Twin, habang nagasgasan lamang ang “bow” ng MT Petro Helen.
Wala namang naiulat na nasaktan sa naturang aksidente at hindi rin ito nagdulot ng oil spill.