Lungsod ng Malolos, Philippines — Palalatagan ng mga solar panel ang ibabaw ng Kapitolyo ng Bulacan at iba pang gusali na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan.
Prayoridad ngayong 2023 na masimulan ang kumbersiyon ng Kapitolyo sa solar energy mula sa labis na pagdepende sa iisang power distribution utility.
Ayon kay Governor Daniel Fernando, iniaalok ng pamahalaang panlalawigan sa mga kuwalipikadong pribadong sektor na mamuhunan sa proyektong ito na aabot sa inisyal na halagang 100 milyong piso.
Ipinaliwanag ng gobernador na tatlong pangunahing benepisyo ang matatamo ng mga Bulakenyo kapag naisakatuparan ang malawakang paglalagay ng mga solar panel sa mga pasilidad ng Kapitolyo.
Una rito ay makakatipid ang pamahalaang panlalawigan sa gastusin sa kuryente na umaabot sa 44 milyong piso kada buwan. Kung makakasama ang solar energy sa pagkukunan ng kuryente, tinatayang 60 porsyento naman ang matitipid sa ibinabayad sa power distribution utility.
Pangalawa, bukod sa maisusuplay na murang halaga ng kuryente ay makakaipon pa umano ng sobrang suplay ang Kapitolyo na puwede rin nitong maibenta sa electric power industry.
Pangatlo ay makakadagdag ang pagbebenta ng magiging sobrang suplay ng kuryente mula sa solar energy upang maidagdag sa taunang badyet ng Kapitolyo.
Target na maging operational ang proyektong ito sa susunod na taon.