70-anyos driver na umararo sa 4 riders, sumuko
CAVITE, Philippines — Sumuko na sa pulisya ang driver ng isang van na lumalabas na 70-anyos na lolo, na sumagasa sa apat na motorcycle riders kamakalawa sa Dasmariñas City.
Matapos mag-trending sa social media ang CCTV footage ng actual na pangyayari sa pagkakasagasa sa apat na riders, nag-alok ng pabuya si Cavite Congressman Pidi Barzaga para sa makakapagturo sa driver o nagmamay-ari ng nasabing van.
Matatandaan na nitong alas-2:12 ng madaling araw sa kahabaan ng Emilio Aguinaldo highway corner Daño Street Brgy. Zone 4 Dasmariñas City nang maganap ang pangyayari kung saan kitang- kita sa CCTV ang pagsagasa ng isang puting Van sa apat na biktimang mga nakasakay sa kani kanilang motor at nakahinto sa traffic lights.
Papaliko sana pakaliwa lulan ng mga motorsiklo ang mga biktima na sina Michael John Engane, Jay-Ar Tuasoc, Mark Daniel Valdez at Mikko Jan Servida at hinihintay ang go signal ng traffic lights nang bigla na lamang silang araruhin ng isang puting commuter van.
Tumilapon ang apat na biktima at nagkawasak-wasak din ang kanilang mga motorsiklo habang mabilis na humarurot patakas ang nasabing van ng di kilalang driver.
Sa follow-up operation ng pulisya sa pangunguna ni Police Major Alex Casio ng Dasmariñas Police, natunton ang may-ari ng nasabing van sa pamamagitan ng plate number nito. Agad silang nakipag-coordinate sa Land Transportation Office (LTO) at nakumpirma sa pangalan ng isang Marie Ancheta Millan ng B32 L14 Phase 2, Green Gate Subdivision., Brgy. Malagasang, Imus City, Cavite.
Agad na tinungo ng pulisya ang lugar at dito na rin sumuko ang driver ng van na kalaunan ay nakilalang si Martin Sunga Ancheta, 70-anyos ng Greensite, Brgy. Molino 2, Bacoor City.
Ayon sa matandang driver, takot ang namayani sa kanya kung kaya nagawa niyang takasan ang mga biktima at sa katandaan ay inantok umano siya sa pagmamaneho nang maganap ang insidente.
- Latest