2 paslit tinangay ng malakas na agos, patay!

Ang mga biktima ay nakilalang sina Dindo Alvarez Jr. at Justine Jacob Fortuna, kapwa menor-de-edad, at residente ng Brgy. Bombongan sa Morong, Rizal.
STAR/ File

Nagtampisaw sa Morong River sa Rizal

MANILA, Philippines — Dalawang lalaking paslit ang kapwa patay nang malunod matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig habang naliligo at naglalaro sa ilog sa Morong, Rizal kamakalawa.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Dindo Alvarez Jr. at Justine Jacob Fortuna, kapwa menor-de-edad, at residente ng Brgy. Bombongan sa Morong, Rizal.

Batay sa initial report ng Morong Municipal Police Station, lumilitaw na dakong alas-2:00 ng hapon ng Enero 7, 2023 nang maganap ang insidente sa Morong River, sa Brgy. Bombongan.

Bago ang insidente ay nagkayayaan umano ang mga biktima, kasama ang ilang mga kalaro, na magtungo sa ilog upang maligo. Gayunman, habang naglalangoy, tinangay ng malakas na agos ng tubig ang mga biktima hanggang sa tuluyang lumubog ang mga ito.

Tinangkang hanapin at sagipin ng mga kaanak at mga otoridad ang dalawang bata ngunit hindi sila natagpuan.

Wala na ring buhay ang mga biktima nang ma­diskubre ng mga rescuers dakong alas-9:30 ng gabi ng Sabado sa pampang ng ilog.

Show comments