LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nakaligtas sa tiyak na malawakang blackout at nakatitiyak na hindi puputulan ng kuryente sa loob ng isang taon ang buong Albay ng mga power suppliers matapos makakuha ng Emergency Power Supply Agreement (EPSA) ang Albay Electric Cooperative (Aleco) mula sa SMC Global Power Holdings Corporation.
Ayon kay Gov. Edcel Greco Lagman, kahit masama ang loob ni Ginoong Ramon S. Ang sa biglaang pagbawi ng mga Albayano sa pamamagitan ng ginawang special general membership assembly noong nakaraang Setyembre 3, 2022 sa 25-taong kontrata ng Albay Power Energy Corporation (APEC) na subsidiary company ng SMCGPHC upang patakbuhin ang operasyon ng Aleco ay nagmagandang loob pa rin ito upang tulungan ang kooperatiba.
Sa tulong umano ni National Electrification Administration (NEA) Administrator Antonio Mariano Almeda ay nagkaroon ng linya si Gov. Lagman na makausap si Ang na agad namang nagbigay ng emergency power supply agreement sa Aleco. Sa ilalim ng EPSA ay magsusuplay ng kuryente ang SMCGPHC sa Aleco sa loob ng 12-buwan sa mababang presyo. Maliban dito, kahit may utang pa ang Aleco sa naturang kumpanya na higit 5 bilyong piso sa kuryente at ginasto sa rehabilitasyon ng kooperatiba sa loob ng walong taong operasyon nito ay nagpaluwal pa rin ng 500 milyong piso na pambayad ng electric cooperative sa ilang power suppliers.
Simula umano ng patalsikin ng mga Albayano sa ginawang general assembly sa pamumuno noon ng nadiskwalipikang gobernador Noel Rosal ay wala nang gustong magsuplay ng kuryente sa Aleco dahil sa malaking utang nito at nakatakda sanang putulan ng elektrisidad noong Disyembre 25 pag-alis ng APEC ng SMCGPHC ngunit naging maagap ang pumalit na gobernador na nakahingi ng tulong sa NEA at kay Ang.
Nanawagan naman si Aleco Acting General Manager Engr. Wilfredo Bucsit na inilagay ng NEA upang pansamantalang humawak at magpatakbo ng kooperatiba sa tinatayang 209 libong konsumidor na regular na magbayad ng kanilang buwanang bill upang makaipon ng pambili ng kuryente at tumulong na mapababa ang systems loss na umaabot sa 28 porsyento.
Nangako naman si Lagman na gagawa ng paraan para makabayad ngayong linggo ang kapitolyo ng Albay sa utang nito sa Aleco na 1.7 milyon at kakausapin ang mga 18 local government units (LGUs) na may utang din sa kooperatiba na magbayad na para pamarisan sila ng mga consumers.
Sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan at Legal Officers ng provincial goverment ay planong ipagkaloob ng Kapitolyo ang pondo nito na P68 milyon sa kooperatiba para ipatayo ng dalawang electric sub-stations para mabawasan ang biglaang mga brown out at mabawasan ang system loss.