Chinese binoga sa ulo ng kaaway, patay

MANILA, Philippines — Isang Chinese national ang nasawi matapos barilin ng umano’y nakaaway nito sa loob ng kanyang bahay, kahapon ng umaga sa Cotabato City.

Kinilala ang biktimang si Joseph Yu,60-anyos,may asawa at residente ng Don Cesar St.,Barangay Poblacion 3 Cotabato City.

Tugis naman ng pulisya ang isa sa person of interest na hindi pa pinangalanan habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Batay sa report ng Cotabato City Police Station 1, naganap ang krimen sa may kusina ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Nabatid na abala ang biktima sa kanyang kusina nang bigla na lamang siyang binaril sa ulo ng suspek saka tumakas.

Nagawa pang isugod sa ospital ang biktima, subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Lumabas sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, bago ang krimen ay nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang biktima sa hindi pa malaman na dahilan.

Show comments