1 sa 9 missing fishermen sa Albay, lumutang
RAPU-RAPU, Albay, Philippines — Patay na nang matagpuan ang isa sa 9 na mangingisdang nawawala matapos matagpuang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Brgy. Calanaga ng bayang ito kahapon ng umaga.
Kinilala ang bangkay na si Ariel Araojo, 43-anyos, residente ng Brgy. Palnab Del Norte, Virac, Catanduanes.
Patuloy namang pinaghahanap ang walo pang mangingisda na kinilalang sina Noel Zafe, nasa hustong gulang at Dante David, 41-anyos, kapwa residente ng Brgy. Palnab, Virac, Catanduanes; Domingo Borilla, 33, at Jason Mandasoc, 31; na mga taga-Brgy. San Vicente ng naturang bayan; Willy Ralf De Leon Uchi, 35; Juanito Torregosa, 51; Ringo Ogale Tupig, 37, at Jobert Gianan Teaño, 33, kapwa residente ng Brgy. Buenavista, Viga, Catanduanes.
Una nang natagpuang buhay kamakalawa ng umaga si Norman Lim, 33-anyos ng Brgy. San Roque, Virac habang ginaw na ginaw na palutang-lutang malapit sa baybayin ng Brgy. Nagcalsot, Rapu-Rapu, Albay.
Sa ulat, pumalaot ang mga mangingisda noong umaga ng Disyembre 21 sakay ng tatlong motorized banca pero sinalubong sila ng naglalakihang alon sa gitna dahilan para lumubog ang kanilang mga sinasakyang bangka.
Mula kahapon ay sinusuyod na ng search and rescue team na binuo ng Office of Civil Defense katuwang ang Philippine Air Force Tactical Operation Group 5 ang malawak na karagatan ng lalawigan ng Catanduanes at Albay para mahanap ang mga nawawalang mangingisda.
- Latest