MANILA, Philippines — Patay ang isang babaeng backrider habang sugatan ang driver ng sinasakyang motorsiklo matapos silang mabangga ng isang humahagibis na behikulo saka tinakbuhan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Candelaria, Quezon nitong Sabado ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ng Quezon Police, idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan ang nasabing babae na hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan si Margeon Maghirang, driver ng motorsiklo na nagtamo ng mga sugat sa katawan bunga ng insidente.
Sinabi ng pulisya na alas-2:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa bahagi ng Maharlika Highway sa bayan ng Candelaria. Kasalukuyang binabagtas ni Maghirang ang nasabing highway at angkas ang naturang babaeng backrider nang mabangga sila ng isang behikulo na mabilis na tumakas sa lugar.
Agad na isinugod sa pagamutan ang mga biktima pero nabigo nang maisalba pa ang buhay ng nasabing babae.
Ang driver ng motorsiklo ay natukoy ang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng narekober na driver’s license nito.