BOCAUE, Bulacan, Philippines — Mahigit isang buwan bago salubungin ng mga Pilipino ang taong 2023, sumirit pa ang presyo ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices na ibinebenta sa lalawigang ito.
Ayon kay Lea Alapide, pangulo ng Philippines Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc., kabilang sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng paputok ang kakulangan ng kanilang stocks bukod pa aniya sa nagtaasan ang presyo ng mga kemikal sa paggawa nito at kasabay din sa pagsipa ng presyo ng gasolina, papel at iba pang gastusin.
Kasama sa mga nagtaas ng presyo ay ang 16-shot aerial pyrotechnics na dating nasa P950 at ngayo’y P2,000 na.
Bunsod rin ito ng ipinatupad na lockdown dahil sa pandemyang hatid ng COVID-19, kinapos umano ng oras sa pagbili ang mga manufacturers ng paputok.
Nauna rito, matatandaang sinabi ng Pyrotechnics Regulatory Board ng Bulacan kay Gov. Daniel Fernando, na ang pagsabog noong nakaraang taon sa isang pabrika ng kemikal sa China, na pangunahing supplier ng lokal na industriya ng paputok, ay nag-ambag sa kakulangan ng mga hilaw na materyales.
Samantala, nananawagan ang mga gumagawa ng paputok partikular sa bayan ng Sta. Maria na habulin ng gobyerno ang mga online seller na walang safety training at permit.