Van pa-Bicol binangga ng truck: Mister dedo, mag-iina at 7 pa sugatan

LUCENA CITY, Philippines — Hindi na umabot pang buhay sa ospital ang isang mister habang nasugatan ang kanyang live in partner, dalawang anak na paslit at pitong iba pa makaraang banggain ang kanilang sinasakyang van ng kasalubong na delivery truck sa national road na sakop ng Barangay Domoit, sa lungsod na ito, kahapon ng madaling araw.

Ang biktima na nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ay kinilalang si Arjay De La Cueva, 34-anyos, ng Guinobatan, Albay.

Ginagamot naman sa Quezon Medical Center (QMC) at Lucena Doctors Hospital (LUDH) sanhi ng mga sugat sa ulo at katawan ang live in partner ni De La Cueva na si Joan Broqueza, 33, at dalawa nilang anak na sina Yohan, 3 at Allayne, 8. Gayundin rin ang iba pang mga sakay ng van na sina Jojo Anobling, 46, Antoni Werba, 58; Lourdes Eleazar, 62; Alicia Werba, 54; ang mag-live in partner na sina Elwin Badong at Aizel Werba at 8-buwang gulang nilang anak na si Askelad, pawang mga residente ng Laguna.

Ayon kay PLt. Col. Reynaldo Reyes, chief of police dito, patungo sa Bicol Region ang Kia Besta Van na minamaneho ni Arjay at sakay ang kanyang mga kaanak at binabagtas ang kahabaan ng highway dakong alas-12:05 ng madaling araw.

Tinumbok umano silang banggain ng kasalubong na Isuzu Forward Wing van na minamaneho ni Aries Nacor, 24 ng Bulacan.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nayupi ang unahan ng Besta van na ikinamatay kinalaunan ni Arjay at pagkakasugat ng iba pa niyang sakay.

Sa salaysay ni Nacor sa mga otoridad, iniwasan umano niya ang kasalubong na motorsiklo subalit sa pagkabig niya ng manibela ay ang van na sinasakyan ng mga biktima ang kanyang nasalpok.

Show comments