40 bloke ng marijuana samsam sa AUV, 3 drug suspect arestado
CAVITE, Philippines — Mahigit P330,000 na halaga ng marijuana ang nakumpiska sa tatlong hinihinalang tulak sa loob ng isang AUV makaraang madaanan ng mga pulis na nagsasagawa ng roving patrol, nitong Lunes ng madaling-araw sa Barangay Langkaan 1 Dasmariñas City.
Ayon sa ulat, 40 bloke ng marijuana at mga likido ng marijuana ang nakumpiska ng pulisya sa tatlong suspek na nakilalang sina Orlando Abong 29-anyos; Jeremiah Schroeder, 28, at John Edmar Ortelano, 23, pawang residente ng Dasmariñas City habang nakatakas ang isa pa na nakilala lamang sa pangalang “Bowen”.
Ayon kay Police Col Juan Oruga, hepe ng pulisya sa lungsod na ito, dakong ala-1:45 ng madaling araw habang nagsasagawa ng roving patrol ang Dasmariñas Police nang madaanan nila ang isang Toyota Innova na may plakang VEU 209 sa madilim na bahagi ng nasabing lugar.
Nilapitan ito ng grupo at nakitang apat na lalaki ang nasa loob ng sasakyan. Sinita ng mga pulis ang apat at tinanong kung ano ang ginagawa nila sa nasabing lugar. Pero, imbes na magpaliwanag, aroganteng sumagot ang mga suspek at nang simulan nang halughugin ng mga pulis ang sasakyan ay dito tumambad ang bloke-blokeng marijuana.
Lumalabas na nagsasagawa pala ng drug deal ang mga suspek sa nasabing lugar. Mabilis na tumakbo ang isa habang nadakip ang tatlong suspek.
Nakumpiska sa operasyon ang may 40 bloke ng marijuana na may timbang na 33 kilo at may halagang P330,000 at dalawang botelya ng liquid marijuana.
- Latest