LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nagbabala si Legazpi City resident volcanologist Dr.Paul Alanis sa lahat ng residente sa paligid ng Mt. Mayon na iwasang pumasok sa mga danger area lalo na sa 6-kilometer permanent danger zone dahil sa dumadaloy na mudflows mula sa crater ng bulkan sa Albay.
Nitong nakaraang mga araw ay napansin ang kulay abo na dumadaloy mula sa tuktok ng Mt. Mayon sa bahagi ng south quadrant na nagbigay ng alarma sa mga residente sa ibaba.
Ayon kay Dr. Alanis, isa itong mudflow na sanhi ng malalakas na pag-ulan na dumaloy sa Miisi Channel sa bahagi ng Brgy. Anoling, Camalig, Albay. Binubuo aniya ito ng naipong abo at ilang volcanic materials mula sa naiwang deposito sa crater nang pumutok ito noong 2018 at maaaring may mangyari ring pagdaloy sa iba pang channel ng bundok.
Sa pagtaya ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) Observatory Station ay umaabot na sa kalahating kilometro ang daloy at malaking peligro ito sa mga residente sa ibaba ng bulkan kapag nagpatuloy ang pagbagsak ng malalakas na ulan.
Kahapon ay naitala ang isang volcanic earthquake sa bulkang Mayon na patuloy na namamaga ang katawan at may konting banaag o bahagyang pamumula sa crater nito.
Nananatili ang Bulkang Mayon sa ilalim ng Alert Level 1.