Bilyaran na guest player si Efren ‘Bata’ Reyes, sinalakay
MANILA, Philippines — Sinalakay ng mga pulis ang isang bilyaran sa Santo Tomas City,Batangas na kung saan bisitang manlalaro si Efren “Bata” Reyes at dito ay naaresto ang 19 katao dahil sa umano’y illegal gambling.
Hindi kasama si Reyes sa mga inaresto nang salakayin ang bilyaran na matatagpuan sa Barangay San Pablo, nitong Miyerkules ng alas-9:20 ng gabi.
Nabatid na sinalakay ng mga pulis ang nasabing bilyaran matapos na makatanggap na impormasyon na may nagaganap na pustahan.
Sa video clip ng operation na ipinalabas sa telebisyon ay makikita si Reyes na naglalaro ng bilyar nang dumating ang mga pulis na kung saan ay nagtakbuhan ang mga manonood sa iba’t ibang direksyon.
“Hinila lang ako ng isang pulis, parang nilagay lang ako sa isang tabi baka raw masaktan ako,” wika ni Reyes.
Ayon sa ulat, nagkumpulan ang mga tao upang mapanood si Reyes na naglalaro.
“Yung laro pala na bilyar na ‘yon is nando’n si Efren ‘Bata’ Reyes at yung mga nanonood na nando’n na iba ay nagpustahan na,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel John Eric Antonio.
Ang mga inaresto kabilang ang ilang menor de edad ay dinala sa police station para imbestigahan matapos masamsam sa kanila ang P17,020 cash at 570 Euros.
Inimbitahan din si Reyes sa police station at pinauwi rin at walang kasong isinampa laban sa kanya.
“Kapag may nag-imbita, kailangan humingi muna sila ng permit sa barangay, o sa mayor, sa munisipyo, “sa mga hepe, ganyan, para hindi nila mapuntahan,” dagdag pa ni P/Lieutenant Col. Antonio.
Magugunita na si Reyes ay nasangkot din sa kaparehong insidente nang sumali sa paglalaro ng bilyar sa San Pedro City, Laguna noong Marso ng nakalipas na taon na sinalakay din ng mga pulis dahil sa paglabag sa COVID-19 protocols.
- Latest