Dahil sa cholera at AGE outbreak
ILOILO CITY, Philippines — Nagdeklara ang Iloilo City ng state of calamity dahil sa outbreak ng acute gastroenteritis (AGE) at cholera sa kanilang mamamayan.
Sa isang special session nitong Biyernes, inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod ang pagdedeklara ng state of calamity sa Iloilo City dahil sa naturang mga sakit base sa rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC).
Ang deklarasyon ay ginawa upang makapagpalabas ng P12.5 milyon na quick response fund (QRF) na gagamitin para sa 3-buwang operasyon ng city government.
Mula sa naturang pondo, P5 milyon ang gagamitin para sa pag-utilize ng karagdagang medical personnel habang P3 milyon ay ilalaan para sa pagbili ng mga medical supplies. Nasa P3 milyon din ang ilalaan para sa pagbili ng mga gamot, habang P500,000 para sa fuel, at P1 milyon para sa maintenance at operating expenses (MOOE).
Ipinaliwang ni Dr. Annabelle Tang, City Health Office (CHO) officer-in-charge, mayroon pa silang supply sa kanilang tanggapan subalit hindi na sapat ito matapos na hindi nila natantya ang pagtama ng outbreak.
Nitong Huwebes, nagtala ang Iloilo City ng 284 AGE cases sa may 77 mula sa 180 barangay.
Sa naturang bilang, 157 o 55.5 percent ang nakarekober na; 67 o 22.7 percent ang nagpapagaling sa kanilang mga tahanan; at 52 o 18.4 percent ang nakaratay sa ospital.
Nabatid na pito o 2.5 percent na tinamaan ng AGE ang nasawi.