Sa unang araw ng face-to-face classes
MANILA, Philippines — Kalat ngayon sa social media ang post ng isang netizen kung saan ibinahagi nito ang nangyaring pambu-bully umano ng isang guro sa kanyang Grade 5 student na pamangkin sa unang araw ng face-to-face classes sa Camarines Norte nitong Lunes.
Base kay Jeannie Vargas, umuwing umiiyak ang 10-anyos na pamangkin mula sa school at hindi umano nito kayang ikuwento ang sinapit kaya’t isinulat na lamang sa papel ang sinabi umano ng kanyang class adviser.
Ayon sa bata, tinawag umano siya ng guro na “bruha”, “bobo” at “hayop” kaya labis naman ang galit ngayon ng kaanak ng naturang estudyante sa guro.
Dahil sa pangyayari, ayaw na umanong bumalik sa eskwela ng bata.
“Kung hindi po masaya sa pagiging guro sa mga bata, hanap na lang po ng ibang career. ‘Wag niyong idamay mga estudyante na sumusubok pa lang lumaban sa buhay,” ani Vargas sa kanyang post para sa guro na ‘di pa pinangalanan.
Sa halip umanong maging katuwang sa pagtuturo ng tamang asal, ito pa ang sinapit ng batang mag-aaral na nagpababa sa tiwala nito sa sarili.
Sinabi ng Department of Education-Bicol na bineberipika na ng kanilang division office sa Camarines Norte ang nasabing post, at tiniyak na may mananagot pagkatapos ng isasagawa nilang imbestigasyon.
“Tinitignan na po ito ng SDO CamNorte anong school/private o public ba before they will take appropriate actions,” pahayag ng DepEd-Bicol.