Magsasaka itinumba ng tandem

Kinilala ng pulisya ang biktima na nasawi noon din na si Edwin Santos Sarte, may-asawa ng nasabing lugar.
File Photo

TALAVERA, Nueva Ecija, Philippines — Nasawi ang isang 49-anyos na magsasaka makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng isang motorsiklo habang ang biktima ay nasa harap ng kanyang bahay sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Bagong Silang, dito, noong Biyernes ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na nasawi noon din na si Edwin Santos Sarte, may-asawa ng nasabing lugar.

Nabatid sa ulat na ala-1:30 ng hapon nangyari ang insidente habang ang biktima ay nasa harapan ng kanyang bahay ay may humintong isang walang plaka na kulay pulang motorsiklo na Kawasaki Bajaj.

Bumaba umano ang naka-angkas dito at pinagbabaril nang sunud-sunod ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nito na naging sanhi ng kamatayan nito.

Agad na nagsitakas ang dalawang suspek patungo sa direksyong timog.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaslang at nire-review na rin ang cctv footages upang makatulong sa pagtukoy sa dalawang suspek. 

Show comments