Mag-utol na bata hulog sa hukay, nalunod

SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Nasawi ang magkapatid na bata matapos mahulog at malunod umano sa hukay ng isang ginagawang warehouse sa Barangay Burgos, Ramon sa lalawigang ito kamakalawa.

Kinilala ang mga nasawi na sina Marianne Contaw, 9-anyos, at kapatid na si Supremo, 5, kapwa residente sa nasabing lugar.

Ayon sa report, pinaniniwalaan na nalunod ang magkapatid sa halos dalawang metrong lalim ng hukay para sa pundasyon ng ipinapatayong warehouse matapos mapuno ng tubig dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Una umanong hinanap ang magkapatid matapos na hindi makauwi sa kanilang tahanan mula sa dinaluhang isang pagtitipon.

Napag-alaman na ­unang nakita ang tsinelas ng mga biktima sa hukay bago matagpuan ang wala nang buhay nilang katawan.

Umuwi rin umano ang mga trabahador dahil sa lakas ng ulan kung kaya’t walang tao sa lugar nang mangyari ang insidente.

Show comments