‘Lady Lieutenant’ ng Somali-Filipino drug dealer, sinentensyahan sa Baguio
BAGUIO CITY, Philippines — Matapos ang isang taong paglilitis ng korte, napatunayang “guilty” ang binansagang “Lady Lieutenant” ng isang kilabot na Somali-Filipino drug dealer dahil sa pagiging courier ng shabu sa Baguio City.
Sa inilabas na desisyon nitong Lunes ng Baguio court, ang akusado na si Areeya Fernandez Damogo, 28-anyos, nagsisilbing drug courier ng isang local big-time Filipino-Somali citizen drug dealer, ay mananatili sa kulungan sa minimum na dalawang taon at isang araw at maximum na 4 na taon, habang pinagbabayad din siya ng P30,000 multa.
Si Damogo ay sasailalim din sa 6-buwang drug rehabilitation at 18-buwan na after care program dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na droga.
Ayon sa rekord, si Damogo ay nalambat noong Hulyo, 2021 sa ikinasang joint operation ng National Bureau of Investigation-Cordillera, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Baguio City Police sa Brgy. Pacdal, Baguio City dahil sa pagde-deliver nito ng droga sa utos ng ‘di pinangalanang drug dealer.
Dahil sa taglay na mapang-akit na karisma at ganda, ginagamit din umano si Damogo ng iba pang mga drug dealers na kanilang drug courier para mabilis na makabenta ng shabu sa mga adik sa droga.
Sa pamamagitan ng plea bargaining kamakailan ni Damogo, ibinaba ni Judge Lilibeth Sindayen-Libiran ng RTC Branch 61 ang sentensya ng nasabing lady courier mula sa reclusion temporal (12-taon at 1-araw minimum jail term hanggang 20-taon).
- Latest