Hepe ng pulisya sa Laguna, sinibak!

Sa bigong pagtumba sa 2 informant

 CAMP VICENTE LIM, Laguna ,Philippines – Dahil sa kinasasangkutang kaso ng kanyang tatlong intelligence officers sa tang­kang pagpatay sa dalawang drug informants, nadamay ang hepe ng pulisya ng Biñan City, Laguna matapos siyang sibakin sa puwesto dahil sa command responsibility.

Ayon kay Col. Cecilio Ison, Laguna police director, ang “relief order” laban kay Lt. Col. Jerry Corpuz, chief of police ng Biñan ay nagmula kay Calabarzon police director Brig. Gen. An­tonio Yarra.

Si Corpuz ay pinalitan sa puwesto ni Lt. Col. Rafael Torres, concurrent Deputy Provincial Director for Administration, bilang officer-in-Charge.

“We are now in the ongoing probe to the incident to determine if there is lapse on part of the standard police operation and they follow the procedure,” pahayag ni Ison.

Sinabi naman ni Lt. Col. Richard Corpuz, GMA police chief, sinampahan na ng kasong kriminal at administratibo ang tatlong sangkot na pulis na sina Corporals Mark Jefferson Arzola, Gerald Casanova at Patrolman Amiel Alcantara, pawang nakatalaga sa Intelligence Unit ng Biñan Police Station.

Kasama ng tatlong pulis ang nakalalayang civi­­lian asset na si Joshua Almarinez na kinasuhan ng “attempted murder” sa Cavite Provincial Office, Imus City, noong Biyer­nes dahil sa tangka uma­nong pagpatay sa dalawang informer matapos ma­galit nang magnega­tibo ang kanilang drug ope­ration dahil sa maling tip ng dalawa sa isang drug suspect.

Show comments