P15 milyon puslit na yosi nasabat sa Zamboanga, 9 tiklo

Sakay ng  dalawang bangkang de-motor, sinabi ni Lt. Col. Reynald Ariño, commander ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company na nadakip sakay ng Ayyeen sina Alsid Dalisan, Faizal Sangkula, Abduridjan Anni, at Gaspar Susulan habang sa bangkang Zafreen Qasla naman nahuli sina Almijir Salapuddin, Bannajir Mikael, Nilson Hapas, Almujeb Abdulgari, at Abdulhamik Mikael.
Businessworld / File

MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit P15.2-milyong halaga ng smuggled cigarettes ang nakumpiska ng mga tauhan ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company  at Bureau of Customs na nagresulta ng pagkakadakip sa 9 katao sa magkahiwalay na insidente sa Zamboanga City kamakalawa.

Sakay ng  dalawang bangkang de-motor, sinabi ni Lt. Col. Reynald Ariño, commander ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company na nadakip sakay ng Ayyeen sina Alsid Dalisan, Faizal Sangkula, Abduridjan Anni, at Gaspar Susulan habang sa bangkang Zafreen Qasla naman nahuli sina Almijir Salapuddin, Bannajir Mikael, Nilson Hapas, Almujeb Abdulgari, at Abdulhamik Mikael.

Hinarang ang mga suspek bandang alas-4:20 ng madaling araw noong Huwebes nang dadaong sa dalampasigan ng Barangay Ayala sa lungsod.

Sinabi ni Ariño na nagsasagawa sila ng border control patrol kasama ang mga tauhan ng BOC nang makasalubong nila ang dalawang bangkang de-motor.

Nasamsam ang nasa 255 master cases at 87 reams ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P8.9 milyon.

Walang sinuman sa mga tripulante ng dalawang bangkang de-motor ang nakapagpakita ng mga dokumento ng kanilang kargamento.

Samantala, sinabi  naman ni Col. Alexander Lorenzo, Zamboanga City Police Office director, na  naaresto si Edgar Estrada, 46, kasunod ng maikling habulan sa isinagawang intelligence-driven anti-smuggling operation dakong alas-5:30 ng hapon nitong Miyerkules sa Barangay San Roque rito.

Sinabi ni Lorenzo na nasugatan si Estrada sa mukha sa pagtatangkang tumakas habang iniwan ang minamanehong trak. Dalawang iba pang tao na sakay ng trak ang nakatakas sa pagkakaaresto.

Ang trak ni Estrada ay kargado ng P6.3 ­milyong halaga ng mga undocumented smuggled na sigarilyo, sinabi ng opisyal ng pulisya.

Show comments