Habang naglalayag patungong Leyte
MANILA, Philippines — Isa ang patay habang isa ang nawawala at nasa 163 katao pa ang nasagip matapos masunog ang isang pampasaherong barko sa karagatang sakop ng Bohol habang patungong Leyte kahapon ng hapon.
Sa inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), dakong ala-1 ng hapon nang sumiklab ang apoy sa MV Mama Mary Chloe habang nasa karagatang sakop ng Tugas Island sa Brgy. Tugas at Tilmobo Island sa Brgy. Tilmobo, pawang sa bayan ng Carlos P. Garcia sa Bohol.
Nakita na tumatalon ng barko ang mga pasahero kabilang na ang mga bata para makatakas sa nasusunog na barko.
Agad namang rumesponde ang mga rescuers sakay ng mga bangka na nasa bisinidad lang kung kaya mabilis na nasagip ang mga nakalutang sa tubig na mga pasahero.
Ayon sa PCG, may sakay na walong tripulante at 157 pasahero kabilang ang 15 na bata ang barko na nagmula sa Ubay, Bohol at patungong Bato, Leyte. Hindi naman overloaded ang barko dahil may kapasidad ito na 236 pasahero.
Nasa ligtas nang kalagayan ang 163 katao na sakay ng barko habang patuloy ang search and rescue operation ng BRP Cabra (MRRV-4409) katuwang ang mga tauhan ng PCG Sub-Station Bato para sa nawawalang pasahero.
“Naging mabilis ang pag-rescue sa mga crew at pasahero sa tulong ng mga motorbanca na naglalayag sa katubigan nang maganap ang insidente,” ayon sa PCG.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para mabatid ang sanhi ng “fire onboard incident.”