Pawikan sinagip ng mga turista sa Aurora
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Matagumpay na naibalik sa karagatang bahagi ng Pacific Ocean ang isang mother pawikan (sea turtle) na napadpad sa tabing baybayin para mangitlong matapos sagipin ng mga nakakitang lokal na turista sa Barangay Ditawini, Dinalungan, Aurora.
Ayon kay Nuepe Manuel Jr., municipal tourism officer ng Ambaguio, nasa isang resort sila sa Dinalungan, kasama ang mga paragliders pilot mula sa Ambaguio, Nueva Vizcaya nang makita ang isang pawikan na katatapos lamang mangitlog sa silong ng isang puno dakong alas-7:00 ng umaga.
Agad na nagtulung-tulong ang grupo ni Manuel para alalayan pabalik sa dagat ang pawikan sa pangamba na baka makita ng mga residente rito.
“This mother turtle just laid eggs on the shore, immediately we guided and pushed her way back to the ocean to prevent it from being captured by locals,” pahayag ni Manuel sa PSN/PM.
Sinabi ni Manuel na hindi niya agad inilagay sa social media ang mga kuha nilang larawan at video matapos magka-interes ang ilang residente sa mga itlog nang mabalitaan ang kanilang ginawang pagpapakawala sa pawikan.
Paniwala ng ilang mga residente na nakakagamot umano ang pagkain sa karne at itlog ng pawikan.
Bagama’t ipinangako umano ng caretaker ng resort na babantayan niya ang mga itlog ng pawikan ay nangangamba pa rin ang mga bisita sa kalagayan ng mga itlog.
Ang mga endangered species tulad ng pawikan ay protektado sa ilalim ng Republic Act 9147, o mas kilala bilang Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Ang sinuman na mapatunayang sangkot sa paghuli, pananakit, pagpatay o pagkatay, pagbenta o pagbili sa mga endangered species ay mapapatawan ng kaukulang parusa tulad ng pagkabilanggo.
- Latest