Pulis-SAF umawat sa away sa peryahan, todas sa bugbog
MANILA, Philippines — Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang bagitong pulis matapos pagtulungang bugbugin ng kanyang mga inaawat sa isang peryahan sa Brgy. Poblacion sa bayan ng Mapandan, Pangasinan.
Hindi na naisalba pa ng mga doktor ang buhay ni Pat. Robert T. De Vera, Jr., 29-anyos, may asawa, miyembro ng PNP-Special Action Force na nakadestino sa Samar at residente ng Brgy. Luyan, Pangasinan dahil sa mga tinamong matitinding bugbog sa katawan.
Ayon kay Lt. Jesus Flores, hepe ng Mapandan Police, naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling araw sa peryahan noong Mayo 25. Hinihintay ni Pat. De Vera at kasama nito sa isang kainan ang kanilang mga kaibigan nang mapansin ng una ang nagaganap na komosyon sa isang peryahan.
Dahil dito, lumapit ang biktima sa mga nag-aaway at nagpakilala siyang pulis.
Naawat naman ng biktima ang mga nag-aaway subalit tatlong lalaki umano ang lumapit at bigla na lamang siyang pinagtulungang bugbugin.
Sinabi ni Flores na tukoy na nila ang mga suspek na pawang trabahador sa naturang peryahan pero tumanggi pa siyang pangalanan ang mga ito.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya laban sa mga suspek na nahaharap sa kasong murder.
Nabatid na nagsimulang maging pulis ang biktima noong 2018 at nagbabakasyon lamang sa nasabing lugar nang maganap ang insidente.
- Latest