3 sundalo sugatan sa engkwentro sa Sulu
MANILA, Philippines — Tatlong sundalo ng 100th Infantry Battalion ng Joint Task Force (JTF) ang iniulat na nasugatan matapos nilang makaengkuwentro ang teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa Barangay Tumatangis, Indanan, Sulu kamakalawa.
Ayon kay Major General Ignatius Patrimonio, commander ng JTF-Sulu, nangyari ang engkuwentro alas-11 ng umaga ng Linggo matapos na rumesponde ang mga tropa sa naturang lugar sa sumbong ng mga residente tungkol sa presensya ng mga terorista.
Nagpakalat ng karagdagang sundalo sa lugar para tugisin din ang mga nagsitakas na Abu Sayyaf na mga tauhan umano ni ASG leader Radullan Sahiron.
Gayunman, agad na sinalubong ng putok ng mga bandido ang tropa ng mga sundalo sa naturang lugar sanhi ng sagupaan na tumagal ng 30 minuto.
Sa naturang bakbakan, tatlong sundalo ang nasugatan hanggang sa magsipulasan ang teroristang grupo.
Agad namang isinugod sa ospital ang tatlong sundalo na hindi pa pinangalanan na kapwa nasa “stable” na umanong kondisyon.
- Latest