MANILA, Philippines — Patay ang tatlong kawani ng barangay peacekeeping action team (BPAT) na nagbabantay sa isang presinto ngayong eleksyon sa Buluan, Maguindanao matapos paulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Nangyari ang insidente bandang 8:15 a.m., Lunes, dahilan para kumaripas palayo ang daan-daang botante sa naturang lugar. Naantala tuloy ang botohan sa Buluan Central School.
Sa video na ito, makikitang tadtad ng bala, nakahandusay at wala nang buhay ang mga nabanggit habang lulan ng isang sasakyan.
"Efforts to identify those responsible for that atrocity are now underway," wika ni Col. Jibin Bongcayao, Maguindanao provincial police director.
Ayon sa ilang saksi, nakasakay sa isang itim na sports utility vehicle ang mga suspek nang pagbabarilin ang mga biktima bago umeskapo.
Nakikipag-ugnayan na sina Bongcayao sa mga witness para agad na makilala ang mga nabanggit.
Hindi pa tumutugon sa tanong ng media ang Commission on Elections hinggil sa nasabing insidente. — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/John Unson