P27.6 million puslit na sigarilyo nasabat
MANILA, Philippines — Umaabot sa P27.6 milyong halaga ng smuggled cigarettes ang nasabat ng mga awtoridad matapos ang isinagawang buy-bust operation laban sa isang mister na nakuhanan din ng mga baril at bala sa Brgy. Aplaya, Hagonoy, Davao del Sur, ayon sa pulisya kahapon.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 11, kinilala ang suspect na si Tapsaren Alibasa, 47-taong gulang, residente ng Davao del Sur.
Si Alibasa ay nasakote ng pinagsanib na elemento ng Regional Special Operation Group–Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 11, Hagonoy Municipal Police Station (MPS), Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) sa pakikipagkoordinasyon sa Bureau of Customs (BOC) sa nasabing lugar.
Ayon kay PNP chief P/Gen. Dionardo Carlos, inaresto si Alibasa sa aktong nagbebenta ng anim na pakete ng mga puslit na sigarilyo sa isang pulis na umaktong buyer ng nasabing sigarilyo.
Nakumpiska mula sa suspect ang 690 kahon ng smuggled na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P27.6-milyon. Nakuha rin mula rito ang isang unit ng 9mm Armscor na may kargang 9 na bala, isang magazine ng cal . 45 pistol, 15 piraso ng bala ng cal. 9mm at iba pa.
- Latest