Sa pagkamatay ng estudyante sa hazing: Tau Gamma frat member timbog, 1 pa sumuko
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Isang opisyal ng Tau Gamma Fraternity ang arestado habang isa pa nilang kasapi ang sumuko na sinasabing nasa likod ng pagkamatay ng isang estudyante habang sumasailalim sa hazing sa Kalayaan, Laguna noong Linggo.
Kinilala ni Lt. Erico Bestid, hepe ng Kalayaan Police, ang mga suspek na sina Venzon Benedict Lacaocao alias “Vez”, 19-anyos, waiter, at Reyvince Espaldon alias “Binsot”, 19-anyos at first year Criminology student.
Sinabi ni Bestid na si Lacaocao ay boluntaryong isinuko sa mga awtoridad ng kanyang nakatatandang kapatid na si Veelly Jhames matapos ang insidente habang si Espaldon ay nadakip sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa Barangay Longos, Kalayaan, Laguna.
Ang dalawa ay nakatakdang sampahan ng mga kasong homicide at Anti-Hazing Act of 2018 dahil sa pagkasawi ng 18-anyos na estudyanteng si Reymarc Rabutazo dahil umano sa hazing.
Kabilang pa sa nasa criminal sheets ay kinilalang sina Kevin Perez, Kirby Galero, Paulo Lacaocao, Leo Sandro Duco, alias “Papo”; Wilson Maestrado, Johndel Ponce, at Kris Jairo Cabiscueles na pawang nananatiling “at large” at tinutugis na ng tracking operatives team.
Sa ulat ng pulisya, si Rabutazo ay idineklarang dead-on-arrival sa General Cailles Hospital sa kalapit na bayan ng Pakil, nang siya ay isinugod at inireport na nalunod sa ilog.
Sa imbestigasyon, nagtamo ang biktima ng matinding trauma sa katawan na pinaniniwalaang dahil sa mga hampas ng matigas na bagay habang sumasailalim sa fraternity initiation rites.
Bukod sa pagkabasag ng bungo ng biktima, lagas din ang mga ngipin nito at may mga paso sa katawan, habang halos madurog din ang mga hita nito na indikasyon ng matinding pagkakapalo.
Ang hazing ay isinagawa umano ng mga miyembro ng Tau Gamma Fraternity sa isang burol sa Twin Falls sa Barangay San Juan ng nasabing bayan. May mga miyembro na umano ng naturang fraternity ang naghayag ng kanilang intension na makikipag-cooperate sa imbestigasyon sa pagkamatay ng naturang estudyante.
- Latest