2 suspek sa rob-slay ng 75-anyos, natimbog sa Infanta, Quezon

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines —  Dalawang pa­ngunahing suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa 75-anyos na lolo sa Sariaya, Quezon may dalawang buwan na ang nakalilipas ang naaresto ng awtoridad sa isang pantalan sa Infanta, Quezon kamakalawa.

Ayon kay Col. Joel Villanueva, Quezon police director, hindi na pumalag nang dakmain ang mga suspek na sina Marco Benites, na may mga alyas na  “Marco” at “Marcial”, at ang ka-partner nitong si Trixie Rico alias “Trixie”, 21, matapos silang makorner ng mga tracker police operatives sa Dinahican port sa Barangay Dinahican, Infanta noong Sabado ng hapon.

Sinabi ni Villanueva na armado ang mga opera­tiba ng dalawang warrant of arrest sa kasong “robbery with homicide” na inisyu ni Judge Dennis Galahad Orendain, Regional Trial Court, Branch 53, Lucena City laban sa dalawang suspek nang sila ay dakpin.

Nabatid na walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng dalawa.

Sinabi ni Master Sergeant Christian Zulueta, Sariaya investigator-on-case, na ang mag-partner ang responsable sa pagpatay sa lolong si Benjamin Valdoria, ng Barangay Castanas, Sariaya, Quezon, noong Enero 7, 2022.

Ani Zulueta, ang bangkay ni Valdoria ay natagpuan ng kanyang apong si Christian Magnaye, 8-anyos, malapit sa isang septic tank, tinatayang may 5-metro ang layo mula sa likod ng bahay ng matanda, ng nasabing araw dakong ala-1 ng hapon.

Unang napansin ng batang apo ang slipper ng lolo na may mga patak ng dugo hanggang sa madiskubre nito ang katawan ng biktima na wala nang buhay.

Nabatid na umupa ang mga suspek ng apartment ng dalawang buwan malapit sa bahay ng biktima at nang mapag-aralan at makakuha ng tiyempo ay pinasok nila ang bahay ng lolo at pinagnakawan ng P100,000. Bago tumakas ang mga suspek ay pinatay ang lolo saka nagtago sa Infanta, Quezon mula sa Sariaya.

Show comments