P3 milyong ‘agarwood’ naharang sa checkpoint
GUBAT, Sorsogon, Philippines — Aaabot sa halagang halos P3 milyong piso ng agarwood o lapnisan na pinakamahal na uri ng kahoy sa buong mundo ang nasabat sa isang suspek habang karga sa sinasakyang kotse sa inilatag na checkpoint ng mga pulis sa kahabaan ng highway sa Brgy. Paco ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Kalaboso na ang suspek na kinilalang si Andrew Fuedan Ferreras, residente ng Brgy. San Rafael, Bulusan, Sorsogon at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act na may parusang pagkakakulong ng 12-taon at multang hanggang P1-milyon.
Nasa pangangalaga na ng DENR-Bicol ang nakumpiskang limang sako ng pinirasong kahoy na lapnisan habang patuloy na inaalam kung saan nanggaling ang kontrabando at saan dadalhin.
Sa ulat, dakong alas-5:30 ng hapon, nakakuha ng impormasyon ang mga tauhan ng Sorsogon Police Provincial Intelligence Unit hinggil sa pagdaan ng itim na kotseng Nissan Almera na kargado umano ng naturang kahoy. Ilang sandali ay naharang ng mga nakaabang na pulis ang kotse ni Ferreras.
Nang buksan ang truck ay tumambad ang limang sako ng pinirasong agarwood na binansagang “Tree of the Gods” dahil na rin sa sobrang mahal na uri ng kahoy na ang langis na nakukuha ay ginagawang sangkap ng mamahaling pabango sa ibang bansa.
Tumitimbang umano ang pinagpira-pirasong kahoy sa 136 kilo at nagkakahalaga ng 2,730,000 piso.
- Latest