Foreign Investment Act, magpapasigla sa negosyo ng Pinas sa Southeast Asia
MANILA, Philippines — Inaasahang magiging sentro ng mga bagong pasimulang negosyo ng Pilipinas sa Southeast Asia ang paglagda at pagsasabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa inamyendahang ‘Foreign Investments Act (FIA).
Ito ang inihayag ni House Committee on Ways and Means Chairman at 2nd District Albay Rep. Joey Salceda na ikinagalak ang pagsasabatas sa FIA na makakatulong ng malaki sa pagsulong ng bansa.
Ayon kay Salceda, bibigyan ng karapatan ng bagong batas (RA 11467) ang mga dayuhan na magnegosyo o mamuhunan ng buo sa mga lokal na negosyong malalaki at hindi kalakihan at hahayaan ang pagpraktis ng mga dayuhan ng ilang propesyon na hindi saklaw ng umiiral na mga espesyal na batas.
Si Salceda ang may-akda ng FIA bill sa Kamara na sinabing maari itong maging sentro ng mga bagong pasimulang negosyo ang Pilipinas, lalo na sa mga negosyong teknolohiya na makatutugon sa mga hamon ng pagpapataas ng ani sa agrikultura, pananalapi, pangkalusugan at iba pang mahalagang sektor.
Sa ilalim ng amyendadong FIA, maaaring magtayo ng pasimulang negosyo sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan at dalhin nila ang kanilang mga eksperto na makapagtuturo din ng kanilang kahusayan sa mga Pilipino at makatugon sa mga problema ng ilang sektor natin.
Ayon kay Salceda, sa kasalukuyan, nagbibigay ang Pilipinas ng “special investors’ resident visa” sa mga dayuhang mamumuhunan ng US$75,000 or higit pa sa bansa.
- Latest