MANILA, Philippines — Isang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) ng Philippine National Police ang naholdap at naagawan ng baril ng mga hinihinalang miyembro ng riding-in- tandem robbery holdup group sa Angono,Rizal Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang biktima na si P/Major Eli Christian Condrado, nakatalaga sa PDEG-Camp Crame, Quezon City.
Batay sa report ng Angono police, nangyari ang holdapan sa madilim na bahagi ng Don Mariano Santos Avenue sakop ng Sitio Labahan, Barangay San Isidro, alas-7:00 ng gabi.
Papauwi na ang opisyal mula sa duty sa Camp Crame sakay ng kanyang motorsiklo at pagsapit sa lugar ay napahinto ito dahil sa nagmamaniobrang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang lalaki.
Pero,mula sa likuran ay isa pang motorsiklo na may sakay ding dalawang lalaki ang dumating at kaagad na tinutukan sa likod ng baril ang biktima.
Nagbanta pa umano ang suspek na huwag nang pumalag para hindi ito masaktan.
Sa pamamagitan ng cutter, pinutol naman ng isa pang suspek ang sling ng body bag ng biktima na naglalaman ng kanyang 9mm service firearm, cash money na nasa P7,000.00, driver’s license at iba pang mga IDs at vaccine card.
Mabilis na tumakas ang apat na suspek patungo sa magkakahiwalay na direksyon.