Truck hulog sa bangin: 2 patay, 3 sugatan

rabeng pinsala sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ang dahilan ng agarang kamatayan nina Engr. Joseph Galang, 47 anyos at driver ng truck na si Roberto Vicente, 58.
STAR/ File

INFANTA, Quezon , Philippines — Dalawa ang kumpirmadong patay kabilang ang isang electrical engineer habang tatlo pa ang malubhang nasugatan makaraang mahulog sa bangin ang sinasak­yang 6-wheeler truck na kargado ng construction materials sa Infanta-Marikina Road, sakop ng Barangay Magsaysay sa bayang ito, kahapon ng umaga.

Grabeng pinsala sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ang dahilan ng agarang kamatayan nina Engr. Joseph Galang, 47 anyos at driver ng truck na si Roberto Vicente, 58.

Ginagamot naman ngayon sa C.M. Recto District Hospital sina Archie Vicente, 30 anyos; Norly Buco, 32, at Marilou Sangil; pawang residente ng Calumpit, Bulacan na nagtamo ng mga sugat sa ulo habang ang kasamahan nilang si Virgilio Chico, 34, ay himalang hindi nasugatan sa insidente.

Sa ulat ng Infanta Police, patungo sa Infanta town proper ang Mitsubishi Canter (RCW-195) na minamaneho ni Vicente at sakay ang ibang nabanggit na mga biktima.

Ide-deliver sana ng mga biktima ang mga construction materials na galing sa Calumpit, Bulacan subalit habang binabagtas nila ang kahabaan ng national highway dakong alas-8:00 ng umaga ay nawalan ng preno ang sasakyan sanhi upang magpagewang-gewang at bumulusok pababa sa bangin na tinatayang may lalim na 50 metro.— Arnell Ozaeta , Ed Amoroso

Show comments