Cebu, Davao at Manila tinawag na ‘provinces of China’, nag-viral
MANILA, Philippines — Naging viral sa social media ang isang video na nagsasabing bahagi ng “provinces of China” ang ilang lungsod sa Pilipinas na kinabibilangan ng Cebu, Davao at Manila.
Bunsod nito, umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens ang nasabing video na ang iba ay galit na nagkomento sa isang post sa Facebook.
“VIRAL VIDEO. Grabe naman ito!” ayon sa “Pinoy Rap Radio” na nag-upload ng naturang video. “Paano kung tuluyan na tayong masakop ng gobyernong China?” dagdag nito.
Posible umanong mangyari ito sa darating na panahon kung walang gagawin ang gobyerno para pigilan ang pagkakalat ng propagandang katulad nito.
Ang naturang video ay may titulong “Philippines: Province of China?” Ito ay nagpapakita ng pag-search ng Pilipinas sa Google Earth.
Batay sa video, kapag hinanap ang “Philippines” sa Google Earth, ang lalabas ay “Philippines (Province of China).”
Bukod dito, kapag nag-search ng mga lungsod sa Pilipinas katulad ng Cebu, Davao at Manila, ang lalabas ay may kasamang salitang “Province of China.”
Ang naturang video ay mayroon nang mahigit 1,800 na komento, mahigit sa 3,700 “shares” at mahigit 1,100 na reaksiyon.
Noong Hulyo 2018, nagkalat na rin ang mga tarpaulin na may nakasulat na “Welcome to the Philippines, province of China” na nakasabit sa mga footbridge sa Metro Manila.
- Latest