HERMOSA, Bataan, Philippines — Naglabas ng warrant of arrest ang korte laban sa isang abogado na dating operator ng Sanitary Landfill dahil sa umano’y paglabag ng mga Environmental Laws sa pag-operate nito sa basurahan sa Barangay Mambog ng bayang ito kamakailan.
Sa bisa ng isang warrant of Arrest na may petsang February 14, 2022 ni Bataan Regional Trial Court Branch 96 Judge Amelita Cruz Corpuz, ipinaaaresto nito si Atty. Beulah C. Coeli, presidente ng Econest Waste Management Corporation na naging operator ng Hermosa Sanitary Landfill sa naturang lugar.
Ito’y bunsod ng kasong kriminal na isinampa ng Pamahalaang Bayan ng Hermosa (Hermosa LGU) laban kay Atty. Fiel hinggil sa mga paglabag sa Section 13 ng Republic Act 6969 o “Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990”.
Nag-ugat ang reklamo dahil sa “toxic and hazardous materials” na mga tinanggap na basura para itapon sa Hermosa Landfill kung saan si Fiel ang operator.
Matapos ang mga serye ng inspeksiyon na isinagawa ng Environmental Management Bureau ng DENR (EMB-DENR) ay nakitaan umano ang nasabing landfill ng mga paglabag sa batas ng kalikasan.
Nauna nang ipinag-utos ng EMB-DENR sa Econest Waste Management Corp. na i-rehabilitate ang nasabing landfill at ibalik sa dati nitong estado at magbayad ng multang P150,000.
Matatandaang ipinasara ng LGU ang nasabing sanitary landfill dahil sa umano’y mga nakitang paglabag.
Inatasan ng korte si Atty. Fiel na maglagak o magbayad ng piyansang P120,000 para sa pansamantala nitong kalayaan.