Tupada ni-raid: 2 sabungero tiklo

RIZAL, Nueva Ecija, Philippines — Natiklo ng pulisya sa isinagawang pagsalakay sa tupadahan ang isang negosyante at isang tricycle driver sa Barangay Cabucbucan ng bayang ito, noong Sabado ng hapon.

Kinilala ng Rizal Police ang dalawang naarestong sabungero na sina Christian Molina, 35, negosyante at Ryan Sarmiento, 32, trike driver, kapwa binata ng nasabing barangay.

Ayon sa pulisya, ala-1:30 ng hapon nang kanilang sorpresahing salakayin ang lugar bunsod ng sumbong ng isang ‘tipster’ na may nagaganap umanong sabong na may tayaan umano sa nasabing lugar. Pagdating ng mga otoridad, mabilis na nagpulasan ang mga mananaya at tanging ang nadakma ay ang dalawang suspek. Nasamsam sa kanila ang P1,000 na taya at dalawang nanghihinang panabong na manok.

Show comments