QUEZON, Nueva Vizcaya, Philippines — Umabot sa 28,350 cc na dugo ang naibigay na donasyon ng mga minero sa isang minahan para sa mga pasyente na nangangailangan ng dugo ngayong panahon ng pandemya sa lalawigang ito.
Ito ay matapos na pangunahan ng FCF Minerals Corporation at Barangay Local Government Unit ng Barangay Runruno sa bayan ng Quezon ang isang bloodletting activity na isinagawa sa Runruno Multi-Purpose Hall katuwang ang Region II Trauma and Medical Center (R2TMC) na nakabase sa Bayombong. Ayon kay FCF Minerals Country Manager, James Carmichael, bagama’t maraming mga nagnanais mag-donate ng kanilang dugo ay umabot sa 63 donors na karamihan ay mga minero.
Ito ay bahagi umano ng pagtulong ng kumpanya sa mga pasyente na nangangailangan ng dugo sa ospital at ang mga walang kakayahan na makahanap ng dugo dahil na rin sa kinahaharap na pandemya.
Samantala, inihayag ni Carmichael na lahat ng kanilang mga minero kabilang na ang mga empleyado at contractors ay nabakunahan na kontra sa COVID-19.
Pinangasiwaan ng Occupational Safety and Health (OSH) department ng kumpanya ang pagbabakuna sa lahat ng manggagawa sa minahan kung saan kasalukuyan namang isinasagawa ng Municipal Health Office ng Quezon ang booster shot para sa mga ito.