SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Isang ginang ang nahaharap ngayon ng kaso matapos arestuhin dahil sa pagbebenta ng mga pekeng vaccination card sa old public market sa Centro East ng lungsod na ito kamakalawa.
Kinilala ang nadakip na suspek na si Joan Dariano, 31, self-employed at residente ng Barangay Abra sa lungsod na ito.
Batay sa ulat ng Presinto Uno ng Santiago City Police, unang napansin ng isang market guard na si Fermin Pineda ang suspek na nagbebenta ng mga vaccination cards sa bahagi ng Gate 1 sa nasabing palengke kung kaya’t agad nitong ipinagbigay alam sa mga otoridad.
Hinanapan din ni Pineda ng vaccination card ang suspek subalit wala itong maipakita, sa halip ay apat na blangkong vaccination cards, na may kumpletong pangalan at pirma ng City Health Office employees, vaccination brands at date of vaccination ang kanyang ipinakita.
Depensa ng suspek, nabili lamang umano niya ang mga vaccination cards sa halagang P100.00 mula naman sa isang hindi natukoy na lalaki na nagbenta naman sa kanya.
Nahaharap ngayon sa kasong falsification of public documents ang suspek habang bineberipika naman kung lehitimo ang mga lagda na nakita sa nasabing vaccination cards.