MANILA, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng pulisya ang suspek sa pagpatay sa isang piskal sa Cavite noong Disyembre 31, 2021 at kaibigan nito sa isinagawang buy-bust operation noong Biyernes sa Dasmariñas City.
Ayon kay PNP chief, Gen. Dionardo Carlos, inamin ni Marvin Tagayon Linaban, 44-anyos, ang pagpatay kay Trece Martires Assistant City Prosecutor Edilbert Mendoza sa harap ng bahay nito sa Brgy. Cabuco, Trece Martirez City, Cavite.
Pinagsisisihan umano ni Linaban ang pagpatay kay Mendoza at nagawa lamang niya ito dahil sa pangangailangan sa pera.
Kasama ring nahuli sa buy-bust ang kaibigan ni Libanan na si Elvin Esguerra, 40, na nasugatan matapos na makipagbarilan sa mga pulis.
Nabatid na isinagawa ng Cavite Drug Enforcement Unit Operatives ang buy-bust operation dakong als 10:30 ng gabi sa Brgy. H2, Dasmarinas City.
Sinabi ni Carlos na kung tugma ang mga ebidensiya sa pagkakaaresto kay Linaban, malaking tagumpay ito sa paglutas ng kaso ni Mendoza.
Ani Carlos, nagpahayag ng kahandaan si Linaban na magbigay ng kanyang extra judicial confession sa harap ng kanyang napiling abogado.
Sa isinagawang buy-bust, nakuha kay Linaban ang isang cal. 45 Thompson Auto Ordnance pistol habang 9mm pistol ang nasamsam kay Esguerra.
Umaabot naman sa P69,000 na halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa operasyon.
Samantala, patuloy ang pagsasagawa ng follow-up operation ng Cavite Provincial Police Office laban sa “mastermind” ng naturang krimen at iba pang miyembro ng kanilang gun-for-hire group.