Nire-repack, nilalagyan ng mukha ng kandidato
MANILA, Philippines — Ibinulgar kahapon ng isang mambabatas na ginagamit umano sa pamumulitika ng ilang kandidato o pulitiko ang mga relief goods na donasyon para sa mga biktima ng bagyong Odette sa Surigao del Norte.
Ayon kay 2nd District Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na base sa nakarating sa kanyang impormasyon, ang mga idine-deliver na relief goods sa mga lalawigan ay nire-repack ng ilang mga pulitiko at nilalagyan ng kanilang larawan at pangalan ang mga bags bago ipamahagi sa mga tao.
Dahil dito, sinabi ni Barbers na nagkakaroon ng pagkaantala sa pamamahagi ng mga kinakailangang relief goods sa mga pamilyang grabeng sinalanta ng bagyong Odette.
Hinikayat ni Barbers ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na silipin ang nasabing insidente.
Sinabi ni Barbers na sakaling mapatunayang may katotohanan ang balita laban sa mga pulitiko sa Surigao del Norte ay inirerekomenda niya ang paghahain ng kaso laban sa mga ito.
“This is not the time to advance political interest. Our people need aid and life savers, not political gimmicks. Let us put the interest of people above all else and put order in the distribution system,” giit ni Barbers.
Aniya, hindi dapat nilalagyan ng pangalan o mukha ng politician ang mga kahon o bags ng mga relief goods para sa Odette victims.