MANILA, Philippines — Literal na “madilim” na Pasko ang mararanasan sa Bohol, Siargao, Surigao del Norte at Dinagat Islands dahil bukod sa pananalasa ng Bagyong Odette ay wala pa rin silang supply ng kuryente.
Ayon kay Spokesperson Felix William “Wimpy” Fuentebella ng Department of Energy (DOE), malaking hamon ang pagpapabalik sa supply ng kuryente hanggang sa katapusan ng taon na lubhang pinadapa ng bagyo.
Sinabi ni Fuentebella, na hindi madaling maibalik ang supply ng kuryente dahil maraming kalsada ang hindi madaanan ng mga sasakyan na magdadala ng mga kinakailangang kagamitan sa pagkukumpuni.
Gayunman, ginagawa na umano nila ang lahat ng paraan upang agad na maibalik ang kuryente sa mga naturang lugar.
Batay sa datos ng National Grid Corporation of the Philippines, 19 sa 95 linya ng kuryente ang puspusan nang ibinabalik habang 76 na ang naayos sa Visayas System Operations.
Ilan sa mga inaayos ay ang Leyte, Cebu, Bohol, Negros, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.