2 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Batangas
BATANGAS, Philippines — Dalawang lalaki ang napatay samantalang isa pa ang sugatan sa magkakahiwalay na pamamaril sa lalawigang ito noong Lunes.
Sa ulat ng pulisya sa bayan ng Mataas Na Kahoy, patay ang 49-anyos na si Randy dela Pena ng Barangay Bayornor matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang kausap ang mga kaibigan sa labas ng kanyang bahay bandang ala-1:10 ng hapon.
Dead-on-the-spot si Pena habang nakatakas ang mga suspek matapos sumibad sa ‘di pa malamang direksyon.
Sa Sto Tomas City, patay rin si Mario Cielo Moraleja alias “Golden Boy”, 50-anyos, residente ng Brgy. San Isidro Norte, matapos barilin ng ‘di pa kilalang suspek habang gamit ang kanyang cellphone sa labas ng kanilang bahay bandang alas-6:20 ng gabi.
Nagtamo si Moraleja ng maraming tama ng bala sa katawan at naisugod pa siya CP Reyes Hospital pero idineklara nang dead-on arrival ni Dr. Millennium Fabros.
Tumakas naman ang suspek sakay ng motorsiklo patungong Brgy. Sta. Maria, Sto. Tomas City hanggang Tanauan City.
Samantala, sa bayan ng Calaca, sugatan naman si Angelo Lance Competente, 25, residente ng Barangay Timbain, Calaca, Batangas matapos tambangan habang papauwi sakay ng kanyang tricycle bandang alas-8:40 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, isang lalaki na nakasuot ng kulay navy blue jacket, itim na jogging pants at may face mask ang nakitang nakatayo sa madilim na bahagi ng kalsada patungo sa bahay ni Competente. Binaril umano nito ang biktima bago tumakas na naglakad lamang.
Nakaligtas naman si Competente at nagpapagaling na sa Batangas Provincial Hospital sa Lemery.
- Latest