MANILA, Philippines — Dalawang motorcycle rider ang nasawi nang masalpok at masagasaan ng trak sa magkahiwalay na insidente sa bayan ng Kawit at Gen. Trias City, Cavite.
Kinilala ang nasawi na sina Reynaldo Arguelles Crudo, nasa hustong gulang, residente ng Kawit; at Carl Pingcas, 32. Ang unang insidente ay naganap alas-2:50 ng madaling araw sa kahabaan ng Centennial Highway, Brgy. Putol, Kawit matapos sumemplang sa kanyang motorsiklo si Crudo nang hindi napansin ang nakaharang na gulong sa kalsada.
Pagkatilapon sa motorsiklo ay siya namang pagdating ng Isuzu truck dropside (NGB-1499) na minamaneho ni Clarence Ian Lingat at nasalpok si Crudo na agad niyang ikinasawi.
Ang ikalawang insidente ay naganap, alas-10:45 ng gabi nang sumalpok si Pingcas sa Isuzu trailer truck (TYJ 493) na minamaneho ni Jeramy Cabrera, 31 sa Bacao Diversion Brgy. Bacao 2, Gen. Trias City.
Idineklarang dead-on-arrival sa Gen. Trias Medicare Hospital si Pingcas, 32. Habang nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver ng truck na si Cabrera.