Parak itinumba ng riding-in-tandem
DARAGA,Albay, Philippines — Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang isang pulis habang nasugatan ang isang sibilyan matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem gunmen sa Purok-3,Brgy.Peñafrancia ng bayang ito,kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si P/Staff Sgt.Allan Marbella Madelar,49,residente ng Purok-6,Villa San Jose Subdivision,Brgy.Bagumbayan at nakatalaga sa Guinobatan Municipal Police Station.
Nasugatan naman sa kamay ang sibilyang si Gabriel Jacob Llaguno nang tamaaan ng ligaw na bala.
Hindi naman nakilala ang dalawang gunmen na mabilis na nakatakas patungo sa direksyon ng Brgy.Tabon-Tabon lulan ng pulang Honda Click na motorsiklo.
Sa ulat, alas-5:30 ng hapon dumalo ang biktima sa debut party ng kanyang pamangking si “Alisa Mae” at nang alas-10:25 ng gabi ay nagpaalam na itong uuwi.
Habang naglalakad patungo sa kanyang sasakyan nang biglang sumulpot ang gunmen lulan ng motorsiklo at walang kaabog-abog na binaril ng ilang ulit .
Kahit sugatan ay nagtatakbo ang biktima pero inabutan ito sa tarangkahan ng pinto ng bahay nina Llaguno at muli itong pinagbabaril hanggang sa bumulagta at tinamaan sa kamay ang huli.
Mabilis na isinugod si Madelar sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City, pero hindi na umabot nang buhay.
Nakuha sa lugar ang 11-basyo ng bala ng Kalibre 9mm at isang basyo ng bala ng Kalibre 45 baril.
- Latest