Parcel na may lamang 1.2 kilo ng marijuana,nadiskubre

DASMARIñAS CITY, Cavite, Philippines — Dahil sa pag-alingasaw ng amoy ng marijuana ay nagduda ang mga empleyado ng J&T Express sa lungsod na ito  sa laman ng isang mala­king  parcel na nakatakdang ideliver sa isang lugar, kamakalawa ng hapon.

Nakabalot ang marijuana ang laman ng isang parcel na nakasingit sa mga damit na ukay-ukay na ibinebenta sa online.

Sa nakalap na paunang report ng pulisya, alas-2:00 ng hapon habang nag-aayos ng mga parcel ang ilang em­pleyado ng J&T Express Dasmariñas Branch, ay umalingasaw ang kakaibang amoy.

Agad nila itong hinanap sa bawat parcel hanggang sa matunton nila sa isang malaking box at nang timbangin ay iba din ang lumabas na kilo.

Agad silang tumawag sa PDEA 4-A upang i-report ang insidente at pagdating ng mga otoridad na may dalang sniffing dog ay nadiskubre ang box na naglalaman ng marijuana na tumitimbang ng 1.2 kilo.

Nabatid na galing sa isang nagngangalang Ethan David Gabriel ang nasabing parcel na pansamantalang hindi muna ipinaalam ng pulisya kung kanino ito nakatakdang ideliver hinggil sa isasagawang follow-up operation.

Show comments