SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija , Philippines – Kapwa naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ang isang maglive-in partner na sari-sari store owners matapos na pasukin at pagtatagain ng ‘di pa batid na bilang ng hinihinalang “Akyat-Bahay Gang” sa Barangay Gabaldon ng lungsod na ito nitong Biyernes ng madaling-araw.
Ayon kay P/Lt. Col. Marlon Cudal, hepe ng pulisya rito, nasawi ang babaeng biktima na nakilalang si Perla Galapante habang malubha sa Heart of Jesus Hospital sa San Jose City ang kinakasama nitong si Joey Ramos; pawang nasa hustong gulang at nakatira sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon nina P/Staff Sgt. Christian Pascua at Patrolman Emmanuel Graganza ng Muñoz City Police, tinatayang naganap ang insidente sa pagitan ng alas-3 hanggang alas-4 ng madaling-araw kung saan naghahanda na umanong magbukas ng kanilang tindahan ang mag-live in partner.
Natagpuan na lang ng mga kapitbabahay ang bangkay ng babae sa gawing likod-bahay na may malaking sugat sa ulo matapos sibakin ng itak, habang ang lalaking kinakasama nito ay natagpuang walang malay sa loob ng kanilang tindahan bunsod sa rami ng dugong umaagos sa kanyang ulo.
Mag-aalas-8:00 umano ng umaga nang magising na ang lalaking biktima na bagama’t nanghihina ay sumigaw at humingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay na agad rumesponde at itinakbo siya sa nasabing ospital.
Sa ginawang inspeksyon ng pulisya sa crime scene, may mga nawawala umanong mga mahahalagang gamit ang mga biktima tulad ng cellphone, cash o pera mula sa tindahan na pinaniniwalaang tinangay ng mga suspek.