Sagot sa ‘fake news’ sa social media
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines - Nilinaw kahapon ni Bulacan Governor Daniel Fernando na nasa ilalim pa rin sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restriction ang kanilang lalawigan hanggang Agosto 15, 2021 katulad ng anunsyo ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ito ay bilang tugon sa mga kumakalat na fake news sa social media tungkol sa pagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine measures sa lalawigan.
“Sa takbo po ng sitwasyon nitong mga nakaraang araw, ang naging pahayag ko ay maghanda tayo sapagkat depende po sa sitwasyon, maaari tayong umapela para sa mahigpit na quarantine. Again, depende po ‘yan sa ating magiging sitwasyon na binabantayan natin sa lahat ng sandali,” anang gobernador sa kanyang Facebook live.
Sinabi ni Fernando na matapos ang konsultasyon sa mga punong bayan sa Bulacan, napagdesisyunan nila na “walang hard lockdown” sa lalawigan upang hindi maisakripisyo ang mga negosyo at trabaho ng mga Bulakenyo.
“Sa kabila ng ating pananatili sa GCQ with heightened restrictions, may kakaibang paghihigpit ang ating isasagawa. Paiigtingin natin ang ating pagbabantay sa ating borders, pagpapatupad ng minimum health standards. Makakapasok pa rin sa trabaho, bibiyahe pa rin ang nasa transport sector, bukas pa rin ang mga establishment para sa essential services. Ito po lahat ay alinsunod sa itinakda sa atin na community quarantine status,” anang gobernador.
Nagbabala rin ang punong lalawigan sa mga taong nagpapakalat ng maling impormasyon na ang tanging nais lamang ay lituhin ang mga tao sa pamamagitan ng pagbaluktot sa katotohanan.
Ayon sa anunsyo ng gobernador, mayroon nang pitong kumpirmadong kaso ng Delta variant sa Bulacan.