Buntis patay sa tuklaw ng ahas, sanggol sa sinapupunan nasagip
CABARROGUIS, Quirino, Philippines — Patay ang isang buntis matapos na matuklaw ng ahas habang himalang nabuhay ang sanggol sa kanyang sinapupunan sa bayan ng Diffun, lalawigang ito nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang nasawing ginang na si Jovelinda Lapurga, 36, ng Brgy. Gulac sa nasabing bayan.
Sa ulat, nagtungo sa ilog si Lapurga kasama ang dalawang anak nang matuklaw siya ng cobra sa balikat kung kaya’t nagpasaklolo ang mga bata para maisugod sa pagamutan ang kanilang ina.
Isinugod ang ginang sa Diffun District Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival dahil sa matinding kamandag ng ahas. Agad isinailalim sa post-mortem caesarean ang ginang matapos ang pagsusuri ni Dr. Moises Lazaro, ang chief ng nasabing pagamutan at matagumpay na nasalba ang sanggol na noon ay nag-aagaw buhay sa sinapupunan ng ina.
“Matapos ang isinagawang pag-revive sa sanggol ng mahigit sa 10 minuto ay nagkaroon siya ng hininga, lahat kami ay nataranta subalit kami ay natuwa nang ito ay umiyak na,” pahayag ni Lazaro.
Agad na binigyan ng newborn cure ang sanggol bago inilipat sa Neonatal Intensive Care Unit ng Quirino Province Medical Center kung saan siya patuloy na inoobserbahan.
- Latest