Magsasaka ginilitan ng kainuman

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang magsasaka matapos gilitan sa leeg ng kanyang kainuman sa Barangay Takiki, Gattaran ng lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang nasawing biktima si alyas “Santino”, 34, tubong Bulacan at kasalukuyang nakatira sa nasabing barangay.

Kinilala naman ang suspek na si alyas “Nico”, 41, isa ring magsasaka at residente rin sa nabanggit na lugar.

Napag-alaman na masayang nakikipag-inuman ang biktima sa tahanan ng suspek nang mauwi sa mainitang pagtatalo ang usapan ng dalawa, dakong alas-5:00 ng hapon.

Hindi umano nagustuhan ng suspek ang pagbabanta sa kanya ni Santino kung kaya’t agad siyang kumuha ng itak sa kanilang kusina at ginilitan sa leeg ang biktima na agad nitong ikinasawi matapos na halos humiwalay ang kanyang ulo.

Agad naman na nadakip ang suspek na nasa pangangalaga ngayon ng Gattaran Police.

Show comments