MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ng isang civil society group sa Presidential Anti-Crime Commission (PACC) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang umano’y pagkawala ng pondong pampasuweldo sa mga health workers at pambili ng medical equipment para sa paglaban sa COVID-19 infection sa lalawigan ng Quezon.
Sinabi ni Lani Santos, co-convenor ng Quezon Rise Movement (QRM), kawawa ang kalagayan ng mga health workers sa kanilang lalawigan dahil halos sumala na sa pagkain bunsod sa hindi pagbibigay ng suporta sa kanila ng pamahalaang panlalawigan.
Nanawagan si Santos kina Pangulong Rodrigo Duterte at Interior Sec. Eduardo Año na agad imbestigahan ang nasabing usapin bago pa lumala nang husto ang bilang ng mga namamatay at nagkakasakit sa lalawigan dulot ng COVID-19.
Sa datos ng budgetary office ng Quezon provincial government, hindi pa rin apektado ang suweldo ng mga regular at contractual employees ng provincial capitol sa ‘di pagpasa ng kanilang 2021 budget. Ito ay dahil nasa ilalim ngayon ng isang re-enacted budget ang lalawigan makaraang matuklasan ng provincial board ang mga umano’y kuwestyonableng proyektong isiningit sa annual budget proposal na ‘di tugma sa annual investment plan ng probinsya. Mahigit P76 milyon umano ang inilaan ng provincial government sa pasuweldo mula sa pangkalahatang budget na P655 milyon ng Quezon province.
Ayon kay Bokal Sonny Ubana, majority floor leader, natuklasan ng walong miyembro ng provincial board na ‘di tumutugma ang panukalang badyet sa pangakong layunin ni Quezon Gov. Danilo Suarez na pagtutuunan ng pamahalaang panlalawigan ang pagtulong sa mga mamamayan laban sa COVID-19.