Road tragedy sa Quezon
TAGKAWAYAN, Quezon , Philippines — Anim ang patay habang tatlo ang malubhang nasugatan makaraang bumangga ang isang van sa kasalubong na trak sa kurbadang bahagi ng Quirino Highway ng Barangay San Vicente, dito kahapon ng madaling araw.
Agad nasawi sa pinangyarihan ng aksidente dahil sa tinamong mga grabeng sugat sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ang mga biktima na kinilalang sina Ron Aldwin Aquino, driver ng van, residente ng Cavite City; Ma. Thalia Bombales ng Laguna; Sergei Victor France Reyes, 26, ng Indang, Cavite at isang hindi pa nakikilalang lalaki.
Namatay naman habang ginagamot sa ospital sina Agnes Villarosa, 29, ng Bacoor City, Cavite at Rommel Galupar, 26, ng Pasig City.
Ang mga sugatan na patuloy na nilalapatan ng lunas sa Maria Elena Eleazar District Hospital ay nakilalang sina Fatima Beroin, 31, ng Camarines Sur; Raymond Froibel Cortez, 34, ng Naga City at Ibarreta Jael ng Baao ng Camarines Sur.
Ayon kay P/Major Marcelito Platino, chief of police ng bayang ito, patungo sa Bicol Region ang kulay asul na Nissan Urvan Escapade van na minamaneho ni Aquino at sakay ang mga biktima nang maganap ang insidente. Pagsapit nila sa kurbadang bahagi ng Quirino Highway ay nag-overtake umano ang van sa isang sasakyan dakong alas-12:30 ng madaling araw subalit nabulaga ito sa kasalubong na Manila bound na Tractor head truck na minamaneho ni Arjay Brito ng Camarines Sur.
Hindi na nakaiwas ang trak at nasalpok ng malakas ang kasalubong na van.
Nasa kustodya na ng pulisya ang tsuper ng trak na nahaharap sa mga kasong “reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple physical injuries and damage to property.”